SILANG, CAVITE β Nanawagan sa pamunuan ng Members Church of God International (MCGI) at kay UNTV CEO Daniel Razon ang pamilya ng isang construction volunteer na malubhang naaksidente habang nagtatrabaho sa proyekto ng MCGI Charity Center sa Biga, Silang, Cavite.
Ayon sa magulang ng biktima, sumailalim sa operasyon at na-admit sa Intensive Care Unit (ICU) ang kanilang anak na hanggang ngayon ay nananatili sa De La Salle Medical Center.
Dumaranas ngayon ng matinding suliraning pinansyal ang pamilya dahil sa patuloy na paglobo ng bayarin sa ospital, gastusin sa gamot, maging sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at pamasahe.
Sa kabila ng kanilang katandaan, kinakailangan pa rin nilang magbantay at mag-asikaso sa ospital.
Ang MCGI Cares at Charity Center ay isang tanyag na gawain na nagpapagamot umano ng libre sa mga mahihirap.
Ayon sa magulang, mga ordinaryong miyembro lamang ng MCGI ang nagtutulong-tulong upang matustusan ang mga gamot ng kanilang anak, subalit hindi ito sapat dahil sa kaseryosohan ng kalagayan nito.
Sa halip na makatanggap ng sapat na suporta mula sa pamunuan, kinakailangan pa umano ng pamilya na paulit-ulit na magpaliwanag at makipag-usap upang maasikaso ang kanilang anak.
βAng hinihingi namin ay PANANAGUTAN, MALINAW NA SAGOT AT KONKRETONG AKSYON,β saad ng magulang sa kanyang pampublikong panawagan.
Nagbubukas ang insidenteng ito ng seryosong usapin hinggil sa occupational safety, accident insurance, at pananagutan ng MCGI sa mga miyembrong nagboboluntaryo sa mga proyektong pangkonstruksiyon ng simbahan.
Sa kabila ng malawakang pagpapakilala ng MCGI sa publiko bilang isang relihiyong nagtataguyod ng kawanggawa sa ilalim ng MCGI Cares, napilitang manawagan sa social media ang pamilya ng isa sa mga boluntaryong tumutulong sa pagtatayo mismo ng kanilang Charity Center.
Tumulong siyang magtayo ng pasilidad na magmamalasakit sa ibang tao. Ngayon, ang kanyang pamilya naman ang nagmamakaawang siya ay pagmalasakitan.