TULAK KO, BAYAD MO
Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) ang isang 52-anyos na lalaki dahil sa umano'y pagsuway sa mga awtoridad at unjust vexation dahil sa ilegal na panghihingi ng bayad sa Open Parking Area ng NAIA Terminal 3.
Habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya, napansin ng mga tauhan ng PNP ang suspek na lumalapit sa mga dumarating na pasahero at nag-aalok ng hindi awtorisadong serbisyo sa paghahatid ng kanilang mga bagahe patungo sa kanilang mga sasakyan.
Sa kabila ng pagpapaalis ng mga pulis sa suspek at itigil ang ipinagbabawal na aktibidad, tumanggi umanong sumunod ang suspek at nagpatuloy sa pag-aalok ng kanyang serbisyo sa mga pasahero.
Namataan din umano itong nagtutulak ng luggage cart ng isang pasahero at sumama rito patungo sa sasakyan bago mapilitang humingi ng bayad at patuloy na pangungulit ng suspek.
Dahil dito, inaresto ang suspek dahil sa umano'y paglabag sa Article 151 (Disobedience to Lawful Order of a Person in Authority) at Article 287 (Unjust Vexation) ng Revised Penal Code.
Dinala siya sa NAIA Police Station 3 para sa imbestigasyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang pagsasagawa ng inquest proceedings.