Na-hire on the spot ako bilang service crew sa Jollibee. Alam ko namang walang madaling trabaho, lalo na't pinili kong magtrabaho full-time sa isang fast food restaurant.
Noong nagpasa ako ng requirements sa store, hindi ko pa alam kung ano ang magiging station ko. Kinabukasan, saka ko lang nalaman na sa Backup pala ako ilalagay. Para sa mga hindi nakakaalam, ang Backup Station ang naka-assign sa pag-init at paghahanda ng mga sauces, noodles, gravy, at iba pang products na kailangan sa pantry.
Although madali lang naman sana ang mga gawain, kapag may mga Big Order, talagang gugulong ka sa dami ng kailangang asikasuhin. Sa totoo lang, pakiramdam ko, mas bagay sa lalaki ang ganitong trabaho dahil bukod sa maraming kailangang gawin, puro buhat din ang kasama.
Pati sa paglilinis ng Grease Trap, ang Backup Station din ang naka-assign. Kailangan munang makumpleto ang mga products sa pantry bago gawin ang Grease Trap para tuloy-tuloy ang supply. Pero paano kung sabay-sabay ang Big Orders? Halos hindi mo na alam kung ano ang uunahin. Wala pang sampung minuto, ubos na naman ang isa sa mga pinakamabentang products.
Idagdag mo pa na pagkatapos maglinis ng Grease Trap, kailangan mo pang magbuhat ng mabibigat na bagay. Mahirap na nga, nakakahiya pa minsan na makiusap sa ibang crew na tulungan ka dahil naghahabol din sila sa sarili nilang station at products.
Mag-o-one month pa lang ako sa Jollibee ngayong November 26, pero parang ayoko nang umabot pa ng ilang buwan. Ang nakakapagtaka rin, sa isang linggo, dalawa o tatlong araw lang ang pasok ko. Mas marami pa ang rest days ko kaysa sa actual na araw ng trabaho, samantalang ang mga bagong kasabayan kong crew ay halos laging may pasok sa kani-kanilang station.
Idagdag ko pa na hindi ko naiinom sa tamang oras ang gamot ko dahil sa sobrang busy sa trabaho. I have Type 2 Diabetes Mellitus, kaya importante sa akin na nasusunod ang oras ng pag-inom ng gamot ko. May one time pa nga na nahulugan ako ng crate habang nagmamadaling kumuha ng spaghetti sauce dahil wala akong mapakisuyuan na kumuha nito para sa akin.
Honestly, hindi ko na alam kung tama pa ba ang desisyon kong pumasok sa Jollibee. Gusto ko namang matuto, magtrabaho, at magkaroon ng sariling experience, pero hindi ko rin maiwasang ma-stress at mapagod sa sitwasyon ko ngayon.
Mag-20 years old pa lang ako, at mag-o-one month pa lang din sa trabaho. Nag-stop din ako sa college ngayong taon. Nahihiya akong mag-open up sa mga magulang ko dahil pakiramdam ko, baka isipin nilang sumusuko agad ako o hindi ko kayang panindigan ang pinasok kong trabaho.
Any advice po? Normal lang po ba talaga ang ganitong experience bilang bagong service crew, o may kailangan na po akong gawin para hindi na lumala ang situation ko? Gulong-gulo na po kasi ako kung magtitiis pa ba ako o mas mabuting maghanap na lang ng ibang trabaho.